Nagsagawa kamakailan ng isang unity walk at prayer rally ang mga tauhan ng Alaminos Municipal Police Station at Comelec para sa isang ligtas at patas na halalan para sa darating na Mayo 13.
Pinangunahan ni Alaminos MPS Chief of Police Walter Vergara Ebora at Election Officer Romeo Ramos Rivera ang isinagawang “Unity Walk and Prayer Rally for Secure and Safe Elections 2013” (SAFE 2013) kung saan ito ay sinuportahan ng Association of Barangay Captains, United Pastors’ Council at ng iba pang mga boluntaryong grupo sa komunidad.
Naging bahagi ng programa ang pagpapaliwanag ng probisyon ng COMELEC Resolution No.9561-A sa lahat ng mga dumalo. Ang resolusyon ay nagsasaad ng mga tuntunin at regulasyon na nauukol sa gun ban. Kasama rin dito ang pagpapaliwanag sa standard operations procedure ng pamamahala sa mga checkpoints.
Ayon kay Capt. Ebora, walang magiging problema sa pagbibigay seguridad sa mga paaralang magsisilbing voting centers sapagkat ang suporta at kooperasyon sa pagbibigay ng seguridad ay ibinigay sa kanila ng konseho ng mga barangay at mga pang sibikong samahan. (ACO, PIA-Laguna)