Patuloy sa pagtanggap ng ‘information sheet’ na naglalaman ng ‘personal data’ ng mga residenteng nangangailangan ng trabaho ang tanggapan ng Public Employment Services Office (PESO) sa bayang ito sa pangangasiwa ni municipal social welfare and development officer (MSWDO) Marissa M. Aguilar.
Sinabi ni Aguilar na ang ‘personal data sheet’ ang siyang magiging batayan sa pagpili ng mga aanyayahang recruitment agencies para lumahok sa jobs fair na sa itinatakda isinasagawa sa municipal covered court at bulwagan ng mga barangay sa municipal hall complex.
May mga pagkakataon na ang PESO manager ay tumatanggap din ng kahilingang magpadala ng aplikante sa mga inaalok na gawain at karaniwang sa talaan ng mga nagbigay ng information sheet pumipili ng ipinadadalang aplikante.
Sinabi ni Mayor Eladio M. Magampon, na ito ay paraan upang magkaroon ng maituturing na “skills map” na makatutulong upang mapagtagpo ang mga katangiang hinahanap ng mga recruiters at kaalamang taglay ng mga aplikante.
Kaugnay nito, nagsagawa kamakailan ng ‘jobs fair’ ang Taytay sa Kauswagan, Inc. (TKI) sa pakikipagtulungan sa pamahalaang bayan. Ang TKI na ang gawain ay may kaugnayan sa micro financing ay nangalap ng mga aplikante para sa lokal ng mga trabaho. (Norida D. Sumilang, PIA-Calabarzon at ulat mula kay Ruben Taningco)